Sep
09

noy Ito na nga ang matagal nang hinihintay ng mga Pilipino. Ito na ang pinaka – aabangang sagot ng mga Pilipino. Ito na nga ang sagot ni Noynoy sa tanong ng bayan: “Noynoy for President na ba talaga?”

Inihayag na ni Noynoy Aquino ang kanyang intensyon na tumakbo sa pagka Pangulo sa darating na 2010 Peryahan Presidential Elections. Nasabi kong peryahan sapagkat ang dami nang gustong umupo sa trono.

Buti na lang, kahit papaano ay nabawasan na ng 3 dahil umatras sila para kay Noynoy; sila ay sina Mar Roxas, Among Ed Panlilio at Mayor Jejomar Binay.

Sigurado na ang pagtakbo ni Noynoy, pero ang tanong naman ngayon ay sino ang ka – loveteam niya? Si Mar Roxas na ba ito? Sasakay na rin nga ba si Noynoy sa pedicab ni Mar?

Sa tingin ko ay oo. Magiging Aquino – Roxas na nga ang loveteam na kakikiligan ng sambayanan. Malaki ang pag – asa ni Noynoy, pero sana ay maganda ang mga plataporma at mga plano niya sa ating bansa para hindi naman sabihin na “Mananalo lang ‘yan dahil sumakay lang siya sa popularidad ng kanyang kamamatay lang na ina!”.

Ikaw, suportado mo na ba si Noynoy? O gusto mas gusto mo talaga si Mar Roxas? Susuportahan ba ang Aquino – Roxas loveteam? Sila na nga ba ang papalit kay Kimerald loveteam?

Advertisements
Sep
04

panlilioTulad ni Senador Mar Roxas, ini – atras na rin ni Pampanga Governor Among Ed Panlilio ang kanyang pagtakbo sa darating na 2010 Presidential Elections, ito ay para raw magbigay daan sa pagtakbo ni Noynoy bilang Pangulo.

Ang tanong: sino pa kaya ang mga susunod na aatras sa pagkandidato?

Sa administrasyon, tingin kong aatras si…

wala.

Sa oposisyon din ay hindi ko alam kung meron pa nga bang aatras. Pero sa administrasyon, sigurado akong walang aatras sa kanila. Tatlo lang naman (yata, magkomento kayo kung mali!) ang pinagpipilian ng administrasyon na maging standard bearer nila. Sila ay sina Defense Secretary Gilbert Teodoro, MMDA Chairman Bayani Fernando at Vice President Noli De Castro. Sa aking pagkaka alam ay wala sa listahan ng pinagpipilian si Senador Dick Gordon; kahit pa sa tingin ko ay karapat dapat siyang maging Pangulo. (Kung hindi alam ang dahilan kung bakit ko nasabi iyon, pumunta ka ngayon din ng Subic, bilis!)

Ang daming kandidato sa darating na eleksyon. Pero ngayon, nababawasan… pero marami pa rin eh. May mga aatras pa kaya? At kung may aatras ba, ano naman ang kanilang dahilan? Si Noynoy din ba? Si Noynoy na nga ba ang magdadala ng kapayapaan sa oposisyon? Mapapag – isa niya kaya ang oposisyon? At siya na ba ang superhero na hinihintay ng mga Pilipino?!

Sep
03

mar-noynoyMainit pa rin ang balita ukol sa pag urong ni Mar Roxas sa karera sa 2010 Presidential Elections. Ini – urong na niya ang kanyang kandidatura para magbigay ng daan sa maaaring pagtakbo ni Senador Noynoy Aquino bilang Pangulo. Ayaw niya daw kasing mahati ang Liberal Party. Kung kayat umurong na lamang siya.

Kung babasahin niyo ang mga bagay tungkol sa kasaysayan ng mga ama nilang dalawa, na sina Gerry Roxas at Ninoy Aquino, ay mapapansin niyong nauulit lang ang nangyayari dati.

Ang ama ni Mar na si Gerry Roxas ay desididong tumakbo bilang Pangulo, ngunit mas mabango at mas sikat ang pangalan ng ama ni Noynoy Aquino na si Ninoy Aquino. Muntikan pa ngang magkaroon ng lamat ang pagkakaibigan ng kanilang mga ama dahil lamang sa bagay na iyon.

Pero to the rescue naman si Ferdinand Marcos, na nagdeklara ng Martial Law para mapahaba ang termino, at dahil doon ay hindi na nagkalamat ang pagkakaibigan nilang dalawa, dahil wala na namang magaganap na eleksyon. Naulit ang dati ‘di ba? Ang pagkakaiba lang ay umurong na si Mar Roxas.

Ibig sabihin ba ng mga sinabi ko kanina ay kapag nagdesisyon muling tumakbo si Mar ay magkakalamat na ang relasyon nila ni Noynoy? AT PARA WALANG AWAY AY TO THE RESCUE NAMAN SI ARROYO!? Huwag naman sana. Huwag… HUWAG!!!

Ikaw, mambabasa, anong gusto mo? Gusto mo bang si Mar Roxas ang tumakbo bilang Pangulo at si Noynoy bilang Bise Pangulo? O mas pabor ka sa Aquino – Roxas loveteam tandem? Nauna ko nang sinabi sa post kong ito na pabor ako sa Aquino – Roxas, pero matapos ang ilang araw ng pagsasaliksik at panonood ng telebisyon, maraming reklamo rin ukol kay Noynoy. Maaaring hindi siya maging salot sa lipunan tulad ni Arroyo, pero marami ang nagtatanong ukol sa kakayahan niyang mamumo. Kung hindi mo pa alam, magsaliksik ka rin. At ngayon, hindi ko pa rin alam kung sino ba ang karapat dapat na maging susunod na Pangulo…

Aug
28

erap2Mapipilitan daw siyang tumakbo sa pagka – Pangulo sa 2010 Presidential Elections kung hindi magkakaisa ang oposisyon sa isang kandidato. Dahilan niya lang ‘yon, halata namang may paghahangad talaga siyang tumakbo muli sa pagka Pangulo pagkatapos niyang palayain sa kasong Plunder.

Palusot pa siya eh, halata namang nagdadahilan lang siya. Alam naman kasi niyang maraming maghahangad tumakbo sa pagka Pangulo, lalo na sa oposisyon.

Tingnan mo si Villar, tinitira ng tungkol sa C5 Extension Road Project nina Lacson, Madrigal at Roxas, bawat isa sa kanila’y naghahangad maging Pangulo, maliban na lang kay Lacson, na nagback out, pero gusto na ulit pero sa pagka Bise Pangulo na lang.

Napaka imposible talaga nang sinasabi na ‘magkaisa ang oposisyon’. Palusot na lang din niya na ‘kapag hindi nagkaisa sa iisang kandidato ang oposisyon ay mapipilitan siyang tumakbo sa pagka Pangulo. Dahilan niya na lang iyon dahil alam naman niyang hindi magkakaisa sa iisang kandidato ang oposisyon.

At kapag tumakbo ulit si Erap? Tatakbo ulit yan sigurado. Pero sana maging wais naman ang mga botante. Plunder, mga tagong yaman, sugal at kung anu – ano pang kalokohan. Sana talaga, sa darating na 2010, tingnan ng mga botante ang mga ‘backgrounds’ ng mga naghahangad maging susunod na lider ng ating naghihirap na bansa.

Aug
25

miriam“Pasayaw-sayaw pa, ang puti na ng buhok niya! Hindi ba nakakahiya ‘yan, nakakawala ng respeto sa ganoong uri ng opisyal sa publiko?”

Yan lang naman ang komento ni Senador Santiago kay TESDA Chairman Syjuco.

Napanood ko na lang sa balita ang tungkol sa mga sinabi ni Senador Miriam Defensor Santiago tungkol sa mga maagang campaign ads ng mga nagbabalak tumakbo sa 2010. Natawa ako sa mga komento niya, lalo na sa komento niya kay Chairman Syjuco ng TESDA. Laughtrip.

Ayon sa Commision on Audit, nasa P28.3 milyon ang halaga ng kanyang campaign ad, hindi pa daw kasama dito ang napakamahalan na pagpapalabas ng ad sa telebisyon. Hindi biro ang halaga ng pagpapalabas ng ad sa telebisyon, lalo na sa campaign ad dati ni Manny Pangilinan, yung Ako Mismo, na ipinalabas pa ng sobra sobra noong laban ni Pacman. Sobrang sayang.

Ang dami na sanang nagawa at natulungan sa halagang iyon. Sinasayang lang niya. Imbes na suportahan tuloy siya ng mga tao ay umaa – – ay, oo nga pala, gusto na ulit ng mga tao sa campaign ads, ‘di ba nga, mataas sina Villar at Mar sa ratings dahil sa campaign ads?

“Sobrang kapal ng make – up”

Yan naman ang kanyang komento sa campaign ad ni DILG Secretary Ronaldo Puno. Halos isang milyon na ang halaga ng kanyang campaign ad, pero hindi ko alam kung may talent fee ba ang batang yumakap sa kanya pati na rin ang lalaking nagsasalita sa kanyang ad na napakalambing ng boses. Hahaha! “Kapag maganda ang puno, maganda ang bunga”. Nice naman!

Sana hindi na lang sila naglalabas ng mga campaign ads. Patunayan na lang nila at ipakita ang kanilang mga nagawa pero hindi sa pamamagitan ng campaign ads. Nakakaasar kasi, oo malapit na eleksyon, pero %^&*@, ang aga niyo pa rin mangampanya, kung nagamit lamang ang mga pondo na ginamit nila sa pangangampanya, nakatulong pa sila sa mga kailangang tulungan.

Aug
24

cory_aquino1Hindi pa payag ang National Historical Institute na magkaroon ng isang “Cory Aquino Holiday” dahil ang mga tao naman daw ay hindi talaga ginugunita ang tunay na diwa ng holiday, kundi nagpupunta sa mga malls.

Pero hindi ako naniniwala diyan, dahil hindi lang naman mall ang pinupuntahan pag holiday, ang mga kabataan ay nagpupunta sa mga internet shops.

Si Mar Roxas ang nagpanukala na gawing isang holiday ang kaarawan ni dating Pangulong Corazon Aquino na Enero 25. Ipinanukala niya ito noong Agosto 3.

May punto rin naman ang National Historical Institute sa dahilan nila. Dahil ako, isang estudyante, ay sanay nang nakakarinig ng mga kaklase kong sinasabing “Oi, DOTA tayo bukas! Anong oras?!” tuwing walang pasok, kasama na ang mga holidays.

Pero kung ako ang tatanungin, hindi sapat sa akin na ang holiday ay isang ‘simpleng araw na walang pasok’. Malakas ang media dito sa ating bansa, bakit hindi kaya gawin na sa mga holiday ay magpalabas sa telebisyon ng mga dokyumentaryo tungkol sa nasabing holiday?

Halimbawa, kung matutuloy ang panukalang ito at gawin ngang holiday ang Enero 25, mas mararamdaman ng mga Pilipino ang tunay na diwa ng holiday kung makakapanood sila ng dokyumentaryo ukol sa buhay at kontribusyon ni dating Pangulong Aquino. Bukod sa nalaman na nila ang diwa, nadagdagan pa ang kanilang kaalaman ukol kay Pangulong Aquino at nadagdagan pa ang ating pagkamakabayan.

Aug
21

bf Sa Political Will, Titino Po Tayo

Naglipana na nga ang websites ng mga politiko ngayon. Sina MMDA Chairman Bayani Fernando, Manny Villar, Mar Roxas at ang iba pang mga nangangarap maging susunod na Pangulo ng ating bansa ay nagsipagawa ng kani – kanilang mga websites para pampadagdag pogi points lalo na sa mga taong babad lagi sa internet tulad ko mas makilala sila ng mga botante para sa darating na 2010 Presidential Elections.

May mga pakulo pa ang ibang mga politiko na dinagdag sa kanilang websites. Si Manny Villar ay may pa – usong Akala Mo.Com na akala naman niya’y nakakatuwa kung saan maaari mong sabihing “Akala ko 2010 na kasi ang daming campaign ads ni Villar yun pala 2009 pa lang”.

Kung si Manny Villar ay may dalawang websites, hindi naman papatalo si Bayani Fernando. May isa lang siyang website, pero pagkapunta mo sa kanyang website, kahit hindi mo alam na kay Bayani yun, masasabi mong “BAYANING BAYANI!”. Bakit? Pink na pink kasi ang kanyang website.

May game na pwedeng laruin sa website ni BF. Nilaro ko ito pero hindi ako masyadong naaliw. May mga katanungang dapat mong sagutin at ang mga katanungang iyon ay tungkol lahat kay Bayani Fernando. May mga impormasyon din sa game tungkol din kay BF, sa mga nagawa ng MMDA, at sa mga balak niyang gawin kapag siya’y naging Pangulo.

Okay naman sa akin si BF, kaso mas gusto ko sana kung tatakbo muna siyang Senador. Para kasi siyang nagmamadali maging Pangulo. Hindi pa naman ganoon kabango ang pangalan niya sa publiko, lalo na sa mga tindera sa Baclaran.

Aug
21

mar-noynoyParehong anak ng mga politiko. Parehong bunga ng politika. Parehong taga Liberal Party. Roxas at Aquino na nga ba ang tandem na kakikiligan mangunguna sa Liberal Party?

Silang dalawa na kaya ang susuportahan ng mga Pilipino?

At ang pinakamalaking katanungan na gumugulo sa isipan ng lahat: sasakay na rin kaya si Noynoy sa pedicab?

Si Mar Roxas, na anak ni dating Senador Gerry Roxas, at apo ni dating Pangulong Manuel Roxas, ay desididong tumakbo sa pagka – Pangulo. Halata naman sa mga campaign ads di ba? Tumakbo siyang Senador noong 2004, at siya ang nakakuha ng pinakamaraming mga boto.

Si Noynoy Aquino naman ay anak ng bayaning  si Ninoy Aquino at ng dating Pangulong Corazon Aquino. Tumakbo naman siyang Senador noong 2007, kung saan siya’y pang – anim sa mga Senador na nanalo.

Okay naman sana si Mar, pero inayawan ko siya nang maaga siyang nagpalabas ng kanyang mga campaign ads. Tapos nagkaroon pa ng part II ang una niyang ad. Kung hindi sana siya maagang nangampanya, baka mas marami pa ang magustuhan siya bilang ating susunod na Pangulo.

Boto naman ako kay Noynoy, mapa – Presidente o Bise Presidente man. Alam kong totoo ang kanyang hangarin para sa ating bansa, at alam din naman nating lahat na hindi siya gagawa ng mga bagay na ikakahiya ng mga magulang niyang sina Ninoy at Cory, na parehong nasa langit na.

Pero kung ako ang papipiliin, mas gusto kung pagpapalitin silang dalawa. Mas gusto ko ang tandem na Aquino – Roxas. Noynoy Aquino bilang Pangulo at Mar Roxas bilang Bise Presidente. Mas gusto ko kasi si Noynoy at naniniwala ako na malinis ang kanyang hangarin, na kaya niyang baguhin ang takbo ng ating bansa ngayon.

Aug
15

Para sa akin, si Andres Bonifacio naman talaga dapat ang kilalanin bilang Unang Pangulo ng ating bansa. Panahon para iwasto ang mali. Nanalo si Aguinaldo sa kumbensyon sa Tejeros dahil may dayaan, at may mga saksi sa dayaang ito. Pinaratangan nilang isang traydor si Bonifacio, pero kung pag – aaralangang mabuti ay siya ay tinraydor dito.

May mga ebidensya at mga dokumentong nagpapatunay na si Andres Bonifacio ang kinilala bilang Unang Pangulo at Lider ng ating bansa. Nararapat lang na ilagay sa tamang pagkakakilala si Andres Bonifacio. Alamin mo ang tama sa mali. At kapag nalaman mo na ang karamihan tungkol dito, sabihn mo sa lahat, para hindi naman madehado si Bonifacio.

Panoorin mo ang dokyumentaryong ito:

Aug
14

joeyButi pa ang apat na honor guards ni Cory —
Sina Malab, Laguindan, Rodriguez, Cadiente,
Walong oras tumayo sa ulan at viaje,
Ang lahat ay tiniis at walang sinabi.

Samantalang ikaw na may bubong sa ulo,
Komportable ka lang sa malamig na studio,
Nang kapirasong libing sa TV sumalo,
Angal at inis ang sumambulat sa iyo.

Nabasa mo na siguro ang tula na ginawa ni Joey de Leon para kay Willie Revillame. Kung hindi pa ay kapapanganak mo pa lang siguro kani – kanina. Binasa ko ang buong tula at  magkahalong pagkamangha at pagkalungkot ang nadama ko. Away na naman to. Magpaparinigan na naman ang bawat isa.

Namangha ako dahil maganda at maayos ang pagkakagawa ng tula. Pinong pino. Kahit hindi mo nga malaman na si Willie ang pinatatamaan dito ay maiisip mo na siya: “Tulad ng ‘two-zero’ di na natin nalaman”.

Nalungkot naman ako dahil panibagong away na naman ito. Mas okay sana kung hindi na lang gumawa ng tula si Joey para kay Willie, dahil ayaw ko ng mga away. At isa pa, hindi na nagmumukhang basta – bastang noontime show ang Eat Bulaga at Wowowee. Nagmumukha na silang dalawang sabungero kung saan sina Joey at Willie ang mga manok pansabong.

willierevillame

Kung titingnan mo kasi ng mabuti, si Willie naman talaga ang may kasalanan kung bakit nagkaroon ng online petition laban sa kanya, kung bakit maraming Pilipino at bloggers ang naglabas na kanilang saloobin tungkol sa isyung ginawa niya at kung bakit gumawa pa si Joey ng isang tula laban sa kanya.

Hindi naman natin masisisi ang mga taong ‘yon, kadalasan kasi sa mga tao ngayon ay hindi na tinitingnan kung sino talaga ang tama at kung sino ang mali. Natatandaan niyo pa bang nagpalakpakan pa ang mga tao ng sabihin ni Willie na alisin muna ang live coverage ukol sa funeral cortege ni dating Pangulong Aquino? Ang mga taong ‘yon ay isang malaking ebidensya na “sa panahon ngayon, hindi na talaga tintingnan ng mga tao kung ano at/o sino ang tama at/o mali”.

Sana’y hindi na lang din nagbigay ng reaksyon si Joey para wala na lang away. Tulad ng sinabi ko kanina, hindi kasi maganda na nagmumukhang sabungan ang mga noontime shows. Maraming nanonood ng Eat Bulaga at Wowowee, at hindi naman maganda kung ang matutunghayan ng mga tao ay isang ‘soap-opera-slash-panirigan-time’. Pero sa huli, si Willie naman talaga ang may kasalanan. Kung sinabi niya na lang sana ang mga salitang binitawan niya habang commercial ay ayos sana ang lahat.

Magsisimula na naman ang maiinit na episodes sa mga balita, dyaryo at mga blogs. Episodes na tungkol sa pagsasabihan ng bawat panig ng mali ng bawat isa; na para bang isa sa kanila ay perpekto. Hindi na ba matatapos ito? O kung matatapos pa ay kailan? Sana ay wala na lang nagbibigay ng mga komento na alam naman natin na maaaring pagsimulan ng isang gulo. Sa komento lang naman ni Willie nagsimula ang lahat. Na lumaki, dahil sa mga salitang binaggit niya.